Western Visayas, Pilipinas – Halos 6,000 kabahayan ang nasira sa buong Western Visayas matapos ang pananalasa ni Bagyong Tino, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense Region 6 (OCD-6).
Ayon sa OCD-6, hanggang Huwebes, 5,944 kabahayan ang naapektuhan, kung saan 99 ang tuluyang nawasak. Pinakamalubha ang pinsala sa Iloilo, na may 4,431 apektadong bahay.
Bukod sa kabahayan, iniulat din ang pinsala sa siyam na bahagi ng kalsada at dalawang tulay, na matatagpuan sa lalawigan ng Antique.
Sa kabuuan, 233,699 pamilya ang naapektuhan ng bagyo. Nangunguna ang Iloilo na may 73,326 pamilya, sinundan ng Capiz na may 67,794 pamilya.
Tulong mula sa gobyerno
Naglaan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ₱28.6 milyon halaga ng family food packs para sa mga apektadong residente.
Samantala, magbibigay din ang Office of the President ng ₱200 milyon pondo para sa financial assistance ng Western Visayas:
-
Iloilo at Capiz – ₱50 milyon bawat isa
-
Antique at Aklan – ₱40 milyon bawat isa
-
Guimaras – ₱20 milyon
Patuloy na hamon sa baha
Ayon kay OCD-6 Director Raul Fernandez, minimal lamang ang pinsala sa Iloilo at Guimaras base sa aerial assessments, ngunit nananatili ang baha sa ilang bayan ng Capiz gaya ng Sigma, Mambusao, at Dumalag.
Binigyang-diin ni Fernandez ang pangangailangan ng isang flood summit upang bumuo ng sustainable strategies, na pinagsasama ang engineering, nature-based, at science-driven interventions sa ilalim ng Panay River Basin Integrated Project.
“Hindi lang tayo umaasa sa engineering interventions, kundi pinagsasama natin ang iba pang aspeto tulad ng nature-based, science, technology, at mga makabagong solusyon para sa mas holistic na flood mitigation efforts,” ani Fernandez.