MANILA, Philippines — Inutusan ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mahigit 200 bagong empleyado ng Office of the Ombudsman na magsumite ng courtesy resignation, matapos matuklasan na karamihan sa kanila ay na-hire bago pa siya opisyal na maupo bilang Ombudsman.
Ayon kay Remulla, layunin ng hakbang na ito na tiyakin na walang tinatawag na “midnight appointees” o mga naitalagang opisyal sa huling sandali ng nakaraang administrasyon. Ang naturang kautusan ay bahagi ng mas malawak na reporma upang mapanatili ang integridad at transparency sa tanggapan.
“May mga admissions into the Ombudsman’s office, mga hiring, and unfortunately, last July, there were 204 new hires in the Office of the Ombudsman. I will ask these 204 people to reapply kasi may six-month probationary period,” paliwanag ni Remulla.
Dagdag pa niya, karamihan sa mga bagong empleyado ay may mataas na salary grade, kaya dapat lamang na masuri ang mga ito.
“These 204 persons, we identified 99 of them are Salary Grade 25 and above. It’s a very high position in government. And for them to be hired at the last minute and to occupy pivotal positions… I think it’s questionable,” ani niya.
Binigyang-diin din ng Ombudsman na hindi ito hakbang para agad na sibakin ang sinuman, kundi upang masiguro na ang lahat ng bagong empleyado ay naitalaga nang patas at alinsunod sa tamang proseso.
“I will ask them to reapply, lest they be treated as midnight appointees,” sabi ni Remulla. “You don’t want to be arriving in a place tapos lahat ng empty seats na in-expect mo, para sa mga kasama mo, na-fill up na bigla. Hindi naman dapat ganun.”
Samantala, paalala ng Civil Service Commission (CSC) na ang courtesy resignation ay dapat manatiling boluntaryo at hindi maaaring gamiting dahilan para tanggalin ang mga empleyado nang walang due process.
Si Remulla, na dating kalihim ng Department of Justice, ay nagsabing ang kautusan ay bahagi ng kanyang plano para linisin at palakasin ang kredibilidad ng Ombudsman.
“We’re just making sure the institution starts fresh, with integrity intact,” ani niya.