Hindi bababa sa 90 electric cooperatives sa bansa ang may mas murang singil sa kuryente kumpara sa Meralco, ang pinakamalaking power distributor sa Pilipinas, ayon sa National Electrification Administration (NEA) Administrator na si Antonio Mariano Almeda.
Sa panayam ng isang lokal na himpilan ng radyo, sinabi ni Almeda na base sa datos ng NEA, sa 121 electric cooperatives sa buong bansa, 90 sa mga ito ang may mas mababang power rates kaysa sa Meralco — kahit pa ang mga kooperatiba ay may limitadong pondo at kadalasang nag-ooperate sa mga liblib na lugar, samantalang ang Meralco ay may modernong imprastruktura at nasa urban centers.
Batay sa comparative analysis ng NEA mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025, napanatili ng mga kooperatiba ang mas mababang singil sa kuryente — nasa pagitan ng ₱1.00 hanggang ₱4.00 kada kilowatt-hour (kWh) na mas mababa kumpara sa Meralco.
Ang mga kooperatibang ito ang nagsu-supply ng kuryente sa mga lalawigan sa rehiyon ng BARMM, Caraga, Cordillera Administrative Region (CAR), at mga Rehiyon 3, 5, 7, 9, 11, at 12.
“This is something that deserves commendation. The electric cooperatives have proven that they can offer more affordable electricity to Filipino consumers even compared to Meralco,”
“Isang bagay ito na dapat papurihan. Pinatunayan ng mga electric cooperative na kaya nilang magbigay ng mas abot-kayang kuryente sa mga Pilipino kahit ikumpara sa Meralco,” ayon kay Almeda.
Samantala, patuloy ang batikos ng mga consumer advocacy groups at energy watchdogs sa Meralco dahil sa hindi bumababang power rates nito. Nitong Hulyo, nagpatupad muli ang Meralco ng dagdag-singil na ₱0.4883 kada kWh, kaya’t pumalo na sa ₱12.6435 ang kasalukuyang singil nito sa kuryente — ang pinakamataas sa buong Southeast Asia.
Hindi rin ito ang unang pagkakataon na tinuligsa ang mataas na singil ng Meralco. Noong 2023, iginiit din ni PHILRECA Party-list Rep. Presley De Jesus ang malaking diperensya sa singil ng Meralco kumpara sa mas maliliit na kooperatiba.
“If we compare to Meralco, these cooperatives are so small. Meralco holds essentially a mega franchise with the largest captive market,”
“Kung ikukumpara sa Meralco, napakaliit ng mga kooperatibang ito. Ang Meralco ay may hawak na isang mega franchise at ang pinakamalaking captive market,” sabi ni De Jesus.
Dagdag pa niya, dahil sa laki ng customer base at modernong pasilidad ng Meralco, dapat sana ay mas mababa ang singil nito — ngunit kabaliktaran ang nangyayari.
Ang Meralco ay kasalukuyang mayroong mahigit 8 milyong customers sa 39 lungsod at 72 munisipalidad.