Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panagutin at i-blacklist ang mga kontraktor na sangkot sa pumalyang flood control projects sa lungsod, matapos niyang personal na makita ang mga delayed at kuwestiyonableng proyekto sa kanyang pagbisita noong Miyerkules.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, inatasan na ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tukuyin ang mga responsable sa mga proyekto na hindi nakamit ang layunin.
“Ayon sa Pangulo, bilyun-bilyon ang ginastos para sa mga flood control projects na sana’y nakakatulong nang maibsan ang pinsalang dulot ng bagyo at habagat. Ngunit, ilang taon na ang lumipas at paulit-ulit pa rin ang dinaranas ng taumbayan,” ani Castro.
Matatandaang sa kanyang huling State of the Nation Address, ipinag-utos ni Marcos sa DPWH na ilathala ang listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon upang malinaw kung sino ang dapat managot.
Tiniyak din ng Pangulo na ang DPWH ay hindi magsasagawa ng sariling audit ng mga proyekto. Kapag napatunayang sangkot sa katiwalian, ang mga kontraktor ay tatanggalan ng karapatang makakuha ng anumang proyekto mula sa pamahalaan.