Iniutos ng Department of Transportation (DOTr) sa North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ang agarang pagsuspinde ng paniningil ng toll sa northbound segment ng Marilao matapos ang isang nakamamatay na insidente kung saan muling nabangga ng isang trak ang Marilao Interchange Bridge.
Sa isang opisyal na abiso at kautusan na ipinadala sa pamunuan ng NLEX Corp., ipinahayag ni Transportation Secretary Vince Dizon ang kanyang “profound concern and disappointment over the recurring incidents of overheight vehicles striking critical infrastructure” (malalim na pag-aalala at pagkadismaya sa patuloy na mga insidente ng mga sasakyang sobrang taas na bumabangga sa mahahalagang estruktura). Aniya, ang nasabing aksidente ay isang “unacceptable failure of operational diligence” (hindi katanggap-tanggap na kabiguan sa pagsunod sa mga dapat gawin ng maayos sa operasyon) sa panig ng kumpanya.
Binatikos din ng kalihim ang kakulangan ng NLEX sa pagpapatupad ng mahigpit na preventive measures. Ayon sa kanya, “Your continued failure to implement comprehensive preventive protocols… demonstrates an alarming lack of proactive risk management and a grave breach of duty to the public.” (Ang inyong tuloy-tuloy na kabiguan na ipatupad ang masaklaw na mga pananggalang ay nagpapakita ng nakababahalang kakulangan sa maagap na pamamahala ng panganib at seryosong paglabag sa tungkulin sa publiko.)
Dahil dito, iniutos ng DOTr na hindi muna maningil ng toll ang NLEX sa bahaging apektado sa Marilao kung magkakaroon ng matinding trapiko, at hanggang sa tuluyang maisaayos at madeklarang ligtas ng mga tagasuri mula sa pamahalaan ang nasirang tulay.
Inatasan din ang NLEX Corp. na magsumite ng paliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat patawan ng parusa tulad ng suspensyon o pagbabago sa kanilang pribilehiyong maningil ng toll, bunsod ng umano’y kapabayaan sa pagpapanatili ng kaligtasan.
Bukod dito, inobliga ang kumpanya na magbigay ng tulong-pinansyal, medikal, at lohistikal sa mga pamilyang naapektuhan ng insidente. Kailangan din nilang magsumite sa loob ng 10 araw ng “concrete and verifiable safety improvement plan” (konkreto at mapapatunayang plano para sa pagpapabuti ng kaligtasan) para sa buong linya ng NLEX.
Nagbabala rin ang DOTr na ang kabiguang tumalima sa mga kautusan ay maaaring humantong sa administratibong parusa, suspensyon ng paniningil ng toll, o pagrebisa ng karapatan ng NLEX na mag-operate sa ilalim ng Toll Regulatory Board at ng kagawaran.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Marilao Police, galing ang trailer truck sa Meycauayan exit patungong Malabon ngunit nabangga nito ang tulay sa northbound lane pagdating sa Marilao.