Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang dalawang hukom sa pagdinig ng kanyang legal na pagtutol sa hurisdiksiyon ng korte.
Nahaharap si Duterte sa imbestigasyon ng ICC kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity dahil sa mga umano’y extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanya kontra droga noong panahon ng kanyang administrasyon.
Noong Hunyo 9, isinailalim sa deliberasyon ng plenaryo ng mga hukom ng ICC ang kahilingan ni Duterte na tanggalin sina Hukom Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at Hukom María del Socorro Flores Liera sa kaso.
“The plenary of judges, acting unanimously, decided to reject the application,”
ayon sa desisyong pirmado ni Hukom Tomoko Akane.
(“Ang plenaryo ng mga hukom, na kumilos nang nagkakaisa, ay nagpasyang tanggihan ang aplikasyon,”)
Inaasahan ng korte na maglalabas ng mas detalyadong paliwanag sa desisyon sa mga susunod na araw.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Duterte na hindi dapat pahintulutang lumahok ang dalawang hukom sa pagdinig ng kanyang Defence Challenge with Respect to Jurisdiction, kung saan kinukuwestiyon niya ang kapangyarihan ng ICC na dinggin ang kaso laban sa kanya.
Samantala, nanawagan naman ang Office of the Public Counsel for Victims ng ICC na tuluyang ibasura ng korte ang pagtutol ni Duterte sa hurisdiksiyon nito.