MAYNILA, Pilipinas — Matapos ang ilang buwang pagkaantala, opisyal nang naitalaga ang Senado bilang isang impeachment court para sa paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Nakatakdang pormal na simulan ang paglilitis sa Miyerkules, Hunyo 11.
Sinabi ni Senate President Francis Escudero, na nanumpa bilang presiding officer nitong Lunes, na ang Senado ay naging impeachment court mula nang siya ay manumpa — kahit hindi pa nanunumpa ang iba pang mga senador.
“Once you convene it, you’ve already struck the gavel. Constituted means it has been formally created. It’s considered constituted because there’s already a presiding officer, even if the members haven’t formally assumed their roles yet,”
(Kapag na-convene na ito, ibig sabihin ay naipalo na ang martilyo. Ang “constituted” ay nangangahulugang opisyal na itong nalikha. Itinuturing itong constituted dahil mayroon nang presiding officer, kahit na hindi pa opisyal na nagsimula sa tungkulin ang mga miyembro.)
“It’s like us now — the Senate is already constituted, but we haven’t convened yet. That will happen later this afternoon.”
(Katulad ngayon — constituted na ang Senado, pero hindi pa kami nagko-convene. Mangyayari ‘yon mamayang hapon.)
Inaasahang manunumpa ngayong Martes ng hapon ang natitirang 22 senador na gaganap bilang mga hukom sa paglilitis.
Binigyang-diin ni Escudero na ang pagkakasunod-sunod ng pagkakatatag at pag-convene ng impeachment court ay isang usaping pormalidad lamang at hindi makakaapekto sa kabuuang proseso.
“There’s no technicality. If you’re asking whether someone will bring this to the Supreme Court to question it on a technicality that could possibly stop the impeachment, I don’t think so.”
(Walang teknikalidad. Kung tinatanong mo kung may magdadala nito sa Korte Suprema para kwestyunin ang proseso at posibleng pahintuin ang impeachment dahil sa teknikalidad, sa tingin ko, hindi mangyayari.)
Ayon kay Escudero, magiging seremonyal lamang ang sesyon sa Hunyo 11, kung saan ihaharap ng mga tagausig mula sa Mababang Kapulungan ang Articles of Impeachment laban kay Duterte.
Orihinal na plano ng Kamara na ang paghaharap ng mga kaso ang magpapasimula sa convening ng impeachment court, ngunit nitong Lunes, napagdesisyunan ng Senado sa plenaryo na i-refer muna ang mga artikulo sa committee on rules.
Kapag na-convene na, ang impeachment court ang mamamahala sa lahat ng usapin kaugnay ng kaso — mula sa pre-trial conference, paglalabas ng mga summons, hanggang sa pagsasaayos ng trial calendar at iskedyul.
Ang impeachment trial ay bunga ng paghahain ng kaso ng Mababang Kapulungan noong Pebrero 5. Mahigit 200 mambabatas ang bumoto upang ma-impeach si Duterte base sa mga sumusunod na alegasyon:
Umano’y maling paggamit ng confidential funds ng kanyang tanggapan bilang Bise Presidente at noong siya ay Kalihim ng Edukasyon;
Umano’y mga banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos, at House Speaker Martin Romualdez;
At umano’y hindi buong pagsisiwalat ng kanyang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ang nalalapit na paglilitis ay inaasahang magiging makasaysayan, habang gumaganap ang Senado ng konstitusyonal nitong tungkulin bilang impeachment court.