Bagama’t malaki ang pasalamat niya sa pamahalaan para tulungan ang mga biktima ng 2017 Marawi Siege, nanawagan si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng patuloy na pagbigay ng tulong para sa kanila.
Tiniyak ni Padilla na hindi masasayang ang tulong na ibinigay lalo sa mga Maranao na magagaling na negosyante, para makabangon sila nang tuluyan mula sa labanan.
“Sana lamang po, patuloy ninyo kaming tulungang makabangon dahil alam ninyo kami ay biktima. Mga Muslim sa Marawi sa buong Lanao ay biktima ng dayuhang ideolohiyang ito,” ani Padilla sa pagdinig ng Special Committee on Marawi City Rehabilitation and Victims’ Compensation nitong Martes.
“(Ang pondo) ng taumbayan, shine-share ninyo sa ating mga kababayan sa Marawi na nasalanta ng giyera, hindi masasayang sapagka’t ang Maranao yan ay kilalang mga traders, sila ay mga negosyante,” dagdag niya.
Giit ni Padilla, “asset” ng Pilipinas ang mga Maranao kung kaya’t hindi masasayang ang ibinibigay sa kanila na atensyon at tulong. “Kumbaga ay inaakay natin silang makabangon,” aniya.
Muling nagpasalamat si Padilla kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil ipagpapatuloy niya ang pagbigay ng compensation sa mga nasalanta ng giyera.
Nagpasalamat din siya kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino at Bong Go sa patuloy nilang paglaban patungkol sa Marawi compensation.
“Itong usapin sa Marawi, ito ay isang bagay na huwag natin kalimutan. Ito pong nangyari dito nagtagumpay ang sambayanang Pilipinas laban sa isang ideolohiyang dayuhan, ito ang ISIS. Nanalo po tayo dito, nanalo ang ating bayan laban sa ideolohiyang sumisira sa aming religion. Kaya kami po mga Muslim patuloy na nagpapasalamat sa inyo,” aniya.