Mayor Guo nanindigan na inosente at walang kinalaman sa POGO operations, itinuro ang Pagcor na may pananagutan

Nanindigan si Bamban,Tarlac Mayor Alice Guo na wala syang kaugnayan sa anumang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) operations at ang illegal na operasyon at pagkakasalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated ay hindi nya pananagutan kundi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation(Pagcor) na syang nagreregulate sa mga POGO.

Ayon kay Guo patuloy na nasasangkot ang kanyang pangalan sa kabila ng pagiging inosente, aniya, ang tunay na isyu ay ang pagsalakay sa Zun Yuan Technology Incorporated dahil sa reklamo ng human trafficking at seryosong ilegal na pagkulong at hindi sya.

Sinabi ni Guo na walang kapangyarihan ang Local Government Unit(LGU) sa POGO operations bagkus hawak ito ng
PAGCOR na syang nagreregulate at nagbibigay ng license to operate.

Sinabi ng abogado ni Guo na si Atty. Nicole Jamilla na limitado lamang sa administratibong tungkulin ang pananagutan ng LGU dahil pag-isyu ng mga business permit.

Iginiit ni Atty Jamilla na walang paglabag sa Republic Act 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act si Mayor Guo base na rin sa naging reklamo sa Office of the Ombudsman.

Ipinaliwanag ni Atty Jamilla na walang anumang ginawa si Mayor Guo na katumbas ng manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence na syang elemento sa paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices.

Ani Atty Jamilla ang pag isyu ng permit ng LGU sa Zun Yuan Technology Incorporated ay base sa proseso at rekomendasyon ng Pagcor at ang hindi rin agarang pagrevoke sa business permit nito ay dahil din sa proseso na dapat sundin.

“Si Mayor Guo ang biktima dito, sya ay hindi makatarungang nasangkot sa mga isyu na pangunahing naka-ugat sa mga responsibilidad sa regulasyon ng PAGCOR. Ang kawalan ng mga kinakailangang elemento sa ilalim ng RA 3019, Section 3(e), ay nagpapatunay na ang mga akusasyon ay kulang sa matibay na batayan” pahayag ni Atty Jamilla.

Samantala, nanindigan si Mayor Guo na inosente sya sa mga paratang laban sa kanya , aniya, nakalulungkot ang suspension order na ipinalabas nh Office of the Ombudsman subalit kanya itong rerespetuhin.

“Ako po ay sumasang-ayon sa proseso ng batas at tinatanggap ang pasya ng Ombudsman. Nais ko rin pong iparating na wala akong kasalanan at tapat akong nagsisilbi sa ating bayan at mamamayan. Naniniwala ako na ito ay pagkakataon upang linawin ang mga paratang laban sa akin. Ako ay handang makipagtulungan sa mga kinauukulan upang masiguro ang katotohanan at hustisya” nakasaad sa statement ni Mayor Guo.

Muli ay nagpasalamat si Mayor Guo sa
patuloy na suporta at pagmamahal na natatanggap nito mula sa mga residente ng Bamban, Tarlac.

“Napakalungkot po ng aking nararamdaman dahil na rin sa mga hindi totoo at masasakit na paratang. Parang nauna nang may hatol sa akin bago pa man ako marinig. Ito ay isang paglabag sa aking karapatan bilang isang tao at bilang isang pinunong hinirang ng inyong boto. Gayunpaman, hindi ako susuko at patuloy kong ipagtatanggol ang aking integridad at pagkatao” giit pa nito.

Aminado si Gup na simula pa lamang ng kanyang laban at hindi nya ito susukuan para na rin sa mga residente na naniniwala sa kanya.

“Nandito pa rin ako, handang tumulong, para sa lahat ng kabataan ng Bamban, sa lahat ng mga matatanda, kalalakihan, kababaihan maging LGBTQ man, para sa lahat ng inaapi, mahihina, nawawalan ng pag-asa, sa lahat ng mga vulnerable at disadvantaged, sa mga negosyante, guro, mag-aaral, TODA, religious groups, farmers group, mga katutubo, tatay, nanay, ate, kuya, at sa lahat ng mga taga-Bamban. Umpisa pa lamang po ito. Hindi ko kayo iiwan” pagtatapos pa ni Mayor Guo.