Escudero: Dapat Sundin ng Kamara ang Desisyon ng Senado sa Impeachment ni VP Sara Duterte

MAYNILA, Pilipinas — Iginiit ni Senate President Francis Escudero nitong Huwebes na dapat igalang at sundin ng House of Representatives ang mga kautusan ng impeachment court ng Senado kaugnay sa kaso laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ito ay bilang tugon sa pahayag ni House Speaker Martin Romualdez na nagdududa sa desisyon ng Senado na ibalik sa Kamara ang mga artikulo ng impeachment.

“That is the decision of the impeachment court. As prosecutors, they should respect and follow that. The same goes for Vice President Sara; she should respect and follow the summons issued by the impeachment court,” ani Escudero.
(“Iyan ang desisyon ng impeachment court. Bilang mga taga-usig, dapat nila itong igalang at sundin. Ganoon din kay Bise Presidente Sara; dapat niyang sundin at igalang ang ipinalabas na summons ng impeachment court.”)

Nauna nang sinabi ni Escudero na walang kapangyarihan ang Kamara na salungatin ang mga kautusan ng impeachment court ng Senado, dahil hindi sila pantay sa usaping ito.

“The House is in no place to defy the orders of the impeachment court. This is not a bicam where we need to agree. This is the order of the impeachment court directed to the prosecutor, who is only a party to the case. The party and the Court are not equal,” paliwanag niya.
(“Walang karapatan ang Kamara na suwayin ang mga kautusan ng impeachment court. Hindi ito bicameral conference na kailangang magkasundo. Ito ay utos ng impeachment court na naka-address sa prosekusyon, na isa lamang sa mga partido sa kaso. Hindi magkapantay ang partido at ang Korte.”)

Noong Hunyo 10, mas maagang nagtipon ang mga senador bilang impeachment court, mas maaga kaysa sa orihinal na itinakdang petsa na Hunyo 11. Sa pulong na iyon, tinalakay ang mosyon ni Senador Ronald dela Rosa na ibasura ang impeachment case.

Ngunit inamyendahan ito ni Senador Alan Peter Cayetano, na nagmungkahing ibalik muna sa Kamara ang Articles of Impeachment habang hindi pa ito tuluyang dinidismiss o tinatapos, hangga’t:

Makapagbigay ng sertipikasyon ang Kamara na hindi nilalabag ng kaso ang Artikulo XI, Seksyon 3, Talata 5 ng Saligang Batas na nagsasabing, “No impeachment proceedings shall be initiated against the same official more than once within a period of one year,” (“Walang impeachment proceeding na maaaring isampa laban sa parehong opisyal nang higit sa isang beses sa loob ng isang taon.”);

At makapagpahayag ang Kamara ng kahandaang ituloy ang impeachment laban kay Bise Presidente Duterte.

Sa ngayon, nakabinbin ang susunod na hakbang sa panig ng House of Representatives habang hinihintay ang pormal na komunikasyon nito sa Senado.