Ikinagalak ng Department of Health (DOH) ang pagpasa sa ikalawang pagbasa ng House Bill 11357, isang panukalang batas na naglalayong gawing mas epektibo at patas ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa bansa, pati na rin ang pagpapalakas ng kahandaan sa mga pampublikong emerhensiya.
Ang panukalang batas ay inihain ni House Health Committee Chairman at Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., kasama ang 67 pang mga mambabatas, upang mapabuti ang serbisyo ng pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, ang malawak na pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law ay nagsisilbing inspirasyon para sa DOH. “His broad national perspective rooted in local government implementation is what inspires the DOH as we actively support both the House of Representatives and the Senate in improving our UHC Act,” aniya.
Kabilang sa mga mahahalagang pagbabago sa panukalang batas, na iminungkahi ni House Appropriations Panel Acting Chairman at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, ay ang pagbabawas ng PhilHealth premium contribution mula 5 porsyento patungo sa 3.5 porsyento. Ang mga susunod na pagbabago sa rate ay ibabatay sa taunang pagsusuri ng isang independenteng grupo na inaprubahan ng Kongreso.
Isa pang pangunahing pagbabago ay ang pagtanggal sa obligasyong magbayad ng PhilHealth premium para sa mga land- at sea-based na migrant workers. Sa halip, ang kanilang mga employer ang sasagot sa 50 porsyento ng kontribusyon, habang ang pambansang gobyerno ang magbabayad ng natitirang bahagi.
Nakasaad din sa panukala ang limitasyon sa sahod ng mga opisyal at empleyado ng PhilHealth, kung saan hindi ito dapat lumagpas sa 7.5 porsyento ng kabuuang benepisyong naibigay sa nakaraang taon, sa halip na ibatay ito sa nakolektang premium.
Bilang karagdagan, magkakaroon ng sariling espesyal na pondo para sa pangangalagang pangkalusugan ang mga lungsod at munisipalidad. Bubuo ang DOH, kasama ang Department of Budget and Management at ang UHC Coordinating Council, ng mga patakaran para sa tamang paggamit nito.
Upang mapabilis ang pagpapatupad ng UHC Law, ang UHC Coordinating Council, na pangungunahan ng mga kalihim ng DOH at Department of the Interior and Local Government, ang mangangasiwa sa pagpapatupad nito sa pambansa at lokal na antas.