Mariing binatikos ng mga consumer advocates at ng grupong Bayan Muna ang dambuhalang “bill shock” na nararanasan ng milyun-milyong customer ng Meralco ngayong Abril at Mayo 2026. Ito ay matapos pumalo ang singil sa record-high na ₱14.3496 per kWh.
Direktang tinawag ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang sitwasyon bilang isang uri ng “legalized robbery” na pilit na ipinapasan sa mga ordinaryong Pilipino.
Ang Pasanin ng Dollar-Denominated Contracts
Ayon kay Colmenares, hindi makatarungan na ang mga consumer ang sumasalo sa bawat paghina ng piso laban sa dolyar dahil sa mga “dollar-denominated” na kontrata ng Meralco sa mga power supplier.
“Bakit ang taumbayan ang pinagbayad ninyo sa paghina ng piso? Ang Meralco ay kumikita ng bilyon-bilyon, pero ang risk ng palitan ng dolyar ay ipinapasa sa mga pamilyang hindi na magkandaugaga sa taas ng presyo ng bigas at bilihin,” ani Colmenares.
VAT sa System Loss: Pagbabayad sa ‘Wala’
Binigyang-diin din ng dating mambabatas ang hindi makatwirang pagpataw ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa System Loss Charge. Inihalintulad niya ito sa pagbili sa palengke kung saan dapat ay may “iuuwi” ang mamimili kapalit ng binayarang buwis.
“Sa system loss, nagbayad ka ng 12 percent VAT, pero anong inuwi mo? Wala. Bayad ito sa kuryenteng hindi mo naman ginamit, kuryenteng nawala dahil sa inefficiency ng Meralco o sa mga illegal connection na sila naman dapat ang rumeresolba. Hindi namin kasalanan, bakit kami ang sisingilin?” giit ni Colmenares.
Mabagal na Transition sa Renewable Energy
Pinuna rin ang tila “pagong” na pagkilos ng Meralco patungo sa Renewable Energy (RE). Habang ang ibang distribution utilities sa Iloilo, Bohol, at Davao ay nakakatamasa ng mas mababang singil dahil sa paggamit ng local at renewable sources, ang Meralco ay nananatiling nakasandal sa imported natural gas at coal.
“Sampung porsyento (10%) lang ang renewable energy ng Meralco. Ang natitira, imported na gas at coal na binabayaran sa dolyar. Kaya bawat kibot ng world market, bill shock ang hatid nila sa atin. Ito ang bunga ng pagiging monopolyong nakasandal sa dayuhang interes,” dagdag pa ni Colmenares.
Mga Panawagan ng Bayan Muna
Upang maibsan ang hirap ng mga mamimili, nananawagan ang grupo sa mga sumusunod na hakbang:
- I-renegotiate ang lahat ng Power Supply Agreements (PSAs): Gawing “Peso-denominated” at hindi “Dollar-indexed” ang bayad sa mga kontrata ng coal at gas plants.
- Tanggalin ang VAT sa System Loss: Alisin ang buwis sa mga pass-through charges na hindi naman direktang ginamit ng consumer.
- Palakasin ang Subsidya: Gamitin ang pondo ng gobyerno para sa lifeline rates sa halip na ipasa ang pasanin sa bill ng mga regular na customer.