Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na maayos at payapa ang pagsisimula ng tradisyunal na Simbang Gabi (Dawn Masses) nang walang naiulat na anumang insidente.
Ipinahayag ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo ang kanyang pag-asa na magpapatuloy ang maayos na sitwasyon hanggang sa pagtatapos ng siyam na araw ng Simbang Gabi sa Disyembre 24. “Wala naman po na-report na any untoward incident sa simula ng Simbang Gabi. Hopefully po ay matapos po itong nine days ng walang seryosong insidente na naitatala,” ani Fajardo sa panayam sa Radyo 630.
Dagdag pa ni Fajardo, bagama’t marami ang dumalo sa mga simbahan na kanilang binantayan, nanatiling payapa ang mga gawain. “Kanina sa mga simbahan na namonitor natin makapal po yung bilang ng tao but so far peaceful naman po,” aniya.
Ipinaliwanag ni Brig. Gen. Fajardo na maagang nag-deploy ng mga tauhan ang PNP ilang oras bago magsimula ang unang Simbang Gabi. Nagtalaga rin sila ng mga mobile at foot patrol upang bantayan ang mga lugar sa paligid ng mga simbahan. Bukod dito, naglagay ang PNP ng mga police assistance desk malapit sa mga simbahan upang agad na makapagbigay ng tulong sakaling kinakailangan.