Inihahanda ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang bagong human rights-based na kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil, tinatapos na nila ang Anti-Illegal Drug Campaign Roadmap 2024-2028, isang estratehikong plano na layuning palakasin ang operasyon kontra sa mapanganib na droga habang tinitiyak ang pagsunod sa karapatang pantao.
Ipinaliwanag ni Marbil na ang roadmap ay nakabatay sa mga aral mula sa nakaraan, kasabay ng pagkilala sa sakripisyo ng libo-libong pulis na nagpatupad ng mga operasyon.
Ang PNP Drug Enforcement Group, ang pangunahing anti-narcotics unit ng pulisya, ang gumagawa ng plano.
“This roadmap is a testament to our dedication to protecting lives and upholding human dignity. It honors the heroism of our police force and aims to foster a safer, drug-free Philippines,” ani Marbil.
Nauna nang sinabi ni Marbil na 1,286 pulis ang naapektuhan ng kampanya laban sa droga noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Ang kampanyang ito ay inulan ng batikos dahil sa umano’y extrajudicial killings at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Sa naturang bilang, 312 ang nasawi at 974 ang nasugatan. Ang iba naman ay naharap sa mga kasong kriminal o administratibo, na humantong sa kanilang pagkakakulong o pagkakatanggal sa serbisyo.
Ayon kay Marbil, ang roadmap ay sumasalamin sa pangako ni Pangulong Marcos para sa isang kampanyang walang karahasan at nakatuon sa komunidad upang labanan ang ilegal na droga.
“This roadmap embodies a clear, strategic direction that aligns with President Ferdinand Marcos Jr.’s call for a humane and effective approach to solving the drug problem,” aniya.
Binanggit din niya na ang kampanya ay hindi lamang tungkol sa pagpapatupad ng batas, kundi pati na rin sa pagbibigay-prayoridad sa pag-iwas at pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa ilegal na droga.
“We will end the scourge of illegal drugs through a united, compassionate and rights-based approach,” dagdag ni Marbil.
Samantala, nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi ito nagbibigay ng gantimpala sa kanilang mga tauhan para sa pagpatay sa mga suspek sa droga.
Sa Kapihan sa Manila Hotel forum, sinabi ni PDEA spokesman Laurefel Gabales na ang reward system ng ahensya, na tinatawag na Operation Private Eye, ay nakatuon para sa mga confidential informants.
Ipinaliwanag ni Gabales na ang mga kinatawan mula sa akademya, relihiyosong sektor, at mga organisasyong pang-negosyo ang nag-a-assess kung sino ang karapat-dapat tumanggap ng cash incentives.
“They are the ones who will assess if the reward is suitable to those that are caught,” aniya.